Ikinaalarma ni 5th District Cebu Representative Duke Frasco ang pagtaas sa P300k mula sa dating P5, 000 ang presyo ng mga kabaong sa bansa sa gitna ng pandemyang COVID-19.
Kasabay nito, pinuna rin ng mambabatas ang kawalan ng stocks ng murang kabaong sa mga punerarya kung kaya’t walang ibang magawa ang naiwang pamilya kundi kagatin ang napakamahal na ataul.
Ayon kay Frasco, nakakalungkot na ang halaga ng kamatayan sa bansa ay napakataas kung ikukumpara sa halaga ng pamumuhay para sa mga low income filipino families.
Dahil dito, ipinanukala ni Frasco na hindi dapat lalagpas sa P12,000 ang presyo ng mga kabaong at tiyaking hindi mawawalan ng stock para sa mga mahihirap na pamilyang namatayan ng mahal sa buhay.
Giit naman nito na ang mga puneraryang mananamantala sa presyo ng mga kabaong ay posibleng mapatawan ng multang aabot sa P200k hanggang P400k at maaari ring makansela ang kanilang mga business permits.