Iniimbestigahan na ng Professional Regulation Commission (PRC) ang mahigit 20 kaso hinggil sa umano’y sabwatan sa pagkuha ng pondo sa PhilHealth ng ilang medical professionals.
Kabilang na umano dito ang pamemeke ng kondisyon ng pasyente para mas malaki ang masisingil sa PhilHealth.
Magugunitang, nabunyag na nawawala ang bilyun-bilyong pondo ng PhilHealth dahil sa ibat-ibang anomalya gaya ng sobrang paniningil sa ilalim ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) o ghost claims.
Ayon kay PRC Board of Medicine Chairman Dr. Eleonor Almoro, binigyan na nila ng show cause order ang ilang medical professional upang pagpaliwanagin hinggil sa naturang isyu.
Aniya, sakali namang hindi sapat ang mga ipapaliwanag nitong dahilan ay hindi sila mag-aatubiling sibakin o sampahan ng kaukulang kaso ang mga ito.
Inihalimbawa naman ni Almoro ang ilang medical professionals na nag dahilan ng maliit umano ang kanilang suweldo kung kayat pumayag ang mga ito na makipagsabwatan at gamitin ang pera ng bayan.
Dahil dito, isa na aniyang doktor at ilang medical professionals ang kanilang pinasususpindi matapos mapatunayan ang pangkakasangkot sa PhilHealth scam.