Nagbabala si election lawyer Atty. Romulo Macalintal na maaaring magkaroon ng mas malawak na epekto ang pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), lalo na kung masusustena ang kapangyarihan ng Kongreso na magpaliban ng halalan.
Ayon kay Macalintal, nangangamba siyang maaaring “mawiwili” o magkaroon ng lakas ng loob ang Kongreso na gamitin ang ganitong kapangyarihan sa mga susunod na halalan.
Partikular niyang binanggit ang May 2028 presidential at national elections, na kinabibilangan ng halalan para sa pangulo, bise presidente, senador at mga kinatawan sa Kongreso.
Ipinaliwanag ni Macalintal na kung kikilalanin ng Korte Suprema ang kapangyarihan ng Kongreso na ipagpaliban ang isang halalan, maaaring gamitin ito bilang batayan sa mga susunod na pagkakataon.
Dahil dito, hinikayat niya ang Korte Suprema na maging maingat sa magiging desisyon sa usapin ng postponement, dahil maaaring maapektuhan ang karapatan ng publiko na bumoto.
Giit ni Macalintal, mahalagang matiyak na hindi mauuwi sa sitwasyon kung saan paulit-ulit na naipagpapaliban ang halalan at nawawala ang pagkakataon ng mga mamamayan na pumili ng kanilang mga lider.

