Pinag-aaralan na ng Pilipinas at Russia ang pagbuo ng nuclear power plant sa bansa.
Ito ay matapos lumagda ang state nuclear corporation ng Russia na “Rosatom” at ang Dept. of Energy (DOE) ng isang kasunduan para pag-aralan ang posibilidad ng pagtatayo ng nuclear power plant sa Pilipinas.
Batay sa isang ulat, sinabing ang “agreement of intent” ay nilagdaan sa kasagsagan ng Russian-Philippine business forum sa Moscow.
Bahagi ang kasunduan ng sampung business deals na sinelyuhan ng Pilipinas at Russia sa kasagsagan ng pagbisita ni Pang. Rodrigo Duterte sa Russia para sa kaniyang limang araw na state visit.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Alexei Likhachev, CEO ng Rosatom na nagmungkahi ang Russia sa Pilipinas ng isang proyekto para sa pagbuo ng isang floating nuclear power plant.