Bumuo na ang Phil. National Police (PNP) ng isang tracker team na tututok sa paghahanap sa Korean drug lord na si Johnson Lee.
Sa naging pagdinig ng Senado, si Lee ang sinasabing target ng operasyon ng 13 dating tauhan ni PNP Chief Gen. Oscar Albayalde sa ikinasang operasyon sa Pampanga noong 2013.
Ngunit sa pagdinig ng senate blue ribbon committee, sinasabing pinalaya si Lee ng grupo nina Maj. Rodney Baloyo IV na siyang pinuno ng raiding team kapalit ng P50-M.
Lumabas din sa pagdinig na ibang suspect ang iprinisinta ng grupo, kung saan nadiskubre din na kulang ang idineklara ng mga itong illegal drugs dahil nasa 38 kilo lamang ang kanilang na-i-turn over gayong nasa 200 kilo ang kanilang nakumpiska.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Pampanga Provincial Office Dir. Jean Fajardo na ginalugad na nila ang lahat ng address ni Lee sa Pampanga at Metro Manila, ngunit hindi nila ito matagpuan.
Paliwanag ng opisyal, malaki ang kanilang hinala na nasa labas na ito ng Pilipinas.