Sabay-sabay na nagbusina ang mga tsuper ng jeep sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila bilang pagpoprotesta sa patuloy na pagbabawal sa mga jeep ngayong isinailalim na sa general community quarantine (GCQ) ang National Capital Region (NCR).
Ayon sa grupong Piston, ginawa nila ito upang ipanawagan ang muling pagbibigay ng hanap-buhay sa mga tsuper na nawalan ng kita simula nang ipatupad ang lockdown dahil sa pandemyang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kanila rin anilang ikinababahala ang patuloy na pagbabawal sa kanila ng Department of Transportation (DOTr), LTFRB at Inter-Agency Task Force (IATF) na posibleng mauwi sa jeepney phase-out.
Samantala, magugunitang sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na mahirap payagan ang mga jeep sa ilalim ng GCQ gayung mahirap bantayan kung nasusunod ang social distancing sa mga naturang sasakyan na maaring pagmulan ng hawaan ng COVID-19.
Gayunman, ikinatwiran naman ng Piston na kaya nila itong gawan ng paraan upang maging ligtas ang mga pasahero laban sa COVID-19.