Inaasahan na ng Malakanyang na maisusumite na ng kongreso ang pinal na kopya ng panukalang pondo para sa susunod na taon, ngayong linggo o sa susunod na linggo.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, dapat na mai-transmit na ng kongreso sa lamesa ni Pangulong Duterte ngayong buwan ang pinal na kopya dahil ipa-publish pa aniya ito.
Bukod dito, kinakailangan rin aniya ng pangulo ng sapat na panahon para mabusisi ang nilalaman ng P4.5-T pondo para sa susunod na taon.
Giit naman ni Roque, sakaling mabigo ang kongreso na isumite ang pinal na kopya sa Office of the President ngayong linggo o sa susunod na linggo ay mauubusan na ng panahon ang Pangulo na rebyuhin ito.
Magugunitang kahapon, nag-convene ang 2 kapulungan ng kongreso para isalang at ayusin sa Bicam ang proposed national budget para sa 2021.