Pinag-aaralan ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagbibigay ng armas sa mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni Brigadier General Zosimo Oliveros, sa isinagawang deliberasyon sa Commission on Appointments kahapon.
Ayon kay Oliveros, kanila nang natalakay ang posibleng pagbuo ng maritime Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) at kung saan maaaring kunin ang pondo para dito.
Aniya, bagamat pinag-aaralan pa ay nakikita na anilang may malaki itong tulong upang lumawak ang depensa ng bansa.
Dagdag pa ni Oliveros, kung mayroong CAFGU active auxillary sa interior areas at dapat ring magkaroon ng CAFGU active auxillary sa maritime areas.
Samantala, tinutulan naman ito ni Senator Risa Hontiveros dahil lubos na nakakabahala aniya na bigyan ng armas ang mga mangingisda at dapat aniyang nagdadala lamang ng armas sa bansa ay ang AFP at PNP.
Aniya, kung aarmasan ang mga mangingisda sa West Philippine Sea ay posibleng rin na lalo itong targetin ng mga Chinese at iba pa.
Kinuwestyun naman ni Senator Francis Tolentino si Oliveros kung kapaki-pakinabang ba sa mga lokal na mangingisda ang naturang hakbang ng afp dahil ang China rin ay may sariling militar sa lugar.