Nilinaw ng Bureau of Immigration (BI) na posible pa ring harangin at hindi makapasok ng bansa ang mga dayuhang asawa at anak ng mga Pilipino.
Ito ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente matapos na ianunsyo ng ahensya na maari nang makapasok sa Pilipinas ang mga dayuhang asawa o anak ng mga Pilipino citizens.
Sinabi ni Morente, papasukin lamang sa Pilipinas ang mga ito kung kasama nilang papasok sa bansa ang Filipino citizen, o kung nasa Pilipinas ito.
Aniya layon lamang kasi ng hakbang na ito na bigyang pagkakataon ang mga pamilya na makapiling ang isa’t-isa lalo pa’t papalapit na ang holiday season.
Una rito, sinabi ng BI na simula sa Disyembre 7 ipagkakaloob nilang muli ang visa-free privilege para sa mga turistang pasok sa balikbayan program.