Obligadong magsumite ng report si Pangulong Rodrigo Duterte sa kongreso kada buwan, hinggil sa paggamit ng pamahalaan sa pondo sa ilalim ng Bayanihan 2.
Ito ay matapos na lagdaan ni Pangulong Duterte ang Bayanihan 2 o ang Bayanihan To Recover As One Act.
Sa ilalim ng Bayanihan 2 nakapaloob ang P165.5-B na stimulus package, at gagamitin ito para sa iba’t-ibang proyekto para sa pagbangon ng bansa mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar na handa at nais ng opisina ng Pangulo na maging transparent sa kung saan napupunta ang bilyong pisong pondo ng pamahalaan.
Dahil isa nang ganap na batas ang Bayanihan 2, sinabi ni Andanar na asahan na ang mas pinaigiting na mga programa hindi lamang sa health care sector, kundi maging sa sektor ng agrikultura, transportasyon at turismo.
Matatandaang sa ilalim naman ng napasong Bayanihan 1 ay linggo-linggo namang nag susumite ang Pangulo ng report sa kongreso hinggil sa kung paano ginagamit ang pondo, at sa mga planong ipatutupad sa bansa.