Personal nang bibisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa lalawigan ng Cagayan, bukas.
Ito ay matapos na malubog sa baha ang lalawigan bunsod ng Bagyong Ulysses.
Sa pagharap ni Pangulong Duterte sa publiko, kanina, sinabi nitong ipinag-utos na niya ang pag-buo ng task force na tututok sa rehabilitation efforts sa mga lugar na sinalanta ng mga nagdaang bagyo, partikular na ng Bagyong Ulysses, Rolly at Quinta.
Kaugnay nito, sinabi rin ng pangulo na 24 oras na nagtatrabaho ang PCG, Philippine Navy, AFP para ihatid ang kinakailangang tulong ng mga naapektuhan ng bagyo, at lalong lalo na sa paglikas, at pag-rescue ng mga ito.
Samantala, umapela rin naman ang pangulo sa mga residenteng na-trap sa kani-kanilang mga bahay, at sa mga residenteng nag iintay ng rescue sa mga bubong bunsod ng malawakang pagbaha na darating din ang inaasahan nilang tulong.
Matatandaang umabot na sa higit 30 ang mga nasawi bunsod ng Bagyong Ulysses, kung saan na trap ang ilang mga residente sa kanilang mga bahay dahil sa malawakang pagbaha na idinulot nito sa bansa.