Nakatakdang magsagawa ng En Banc Meeting ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ngayong araw.
Ito ay para pag-usapan ng ahensya ang mga magiging rekomendasyon nito kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa kanilang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa umano’ y korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica, patuloy na lumalaki ang naturang kaso kada araw matapos itong isapubliko nakaraang linggo.
Aniya, ang kanilang isusubmit na report kay Pangulong Duterte ay mayroon ng mga pangalan ng mga umano’y sangkot sa katiwalian sa DPWH.
Dagdag pa ni Belgica, magsusumite rin sila ng report sa Department Of Justice (DOJ) oras na mapalawak na ang Anti-Corruption Task Force ng departamento na binuo para sa mga kaso na maaari nilang ma-encounter sa labas ng jurisdiction ng PACC.
Matatandaang ipinag-utos kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DOJ na imbestigahan ang umano’y korapsyon sa lahat ng ahensya ng gobyerno.