Hindi kumbinsido ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na taas suweldo sa mga guro.
Ito ang binigyang diin ni ACT National Chairperson Joselyn Martinez kaugnay ng naging pahayag ni Pang. Duterte na posibleng higit pa sa P30,000 ang taas sahod para sa mga guro.
Ayon kay Martinez, hindi nga malinaw kung ilang porsyento o ilang libong piso ang umentong sinasabi ng Pangulo.
Aniya, ayaw na nilang umasa pa dahil ’tila isa na naman itong pangakong mapapako.
Gayunman, sinabi naman ni Martinez na ang tanging patunay lamang na nakikita nila na posibleng matuloy ang naturang pay-hike ay ang pag-apruba ng Kamara sa P31-B para sa salary increase ng mahigit isang milyong government employees.