Pagpapaliwanagin ng senado ang pamunuan ng Magat dam matapos itong sisihin ng mga lokal na pamahalaan sa malawakang pagbaha sa lalawigan ng Cagayan, at Isabela.
Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, at Sen. Sherwin Gatchalian, isasalang nila sa pagtatanong ang mga dam operators, national power corp., at National Irrigation Administration (NIA) sa posibleng naging kapabayaan ng mga ito sa pag-hagupit ng bagyong Ulysses.
Ngayong linggo kasi nakatakdang dumalo sa senado ang mga ito dahil tatalakayin na sa plenaryo ang kanilang budget para sa susunod na taon.
Sinabi ni Zubiri, bukod kasi sa naganap na pabaha sa Cagayan, at Isabela—ay isinisisi rin sa Angat dam at Ipo dam ang naging pagbaha sa Marikina City, at Rizal.
Kaugnay nito, nanindigan naman ang nia na sinunod nila ang lahat ng standard protocol sa pagpapakawala ng mga tubig.
Una rito, nabatid na binuksan ng magat dam ang ilan sa kanilang mga gate matapos na pumalo sa 192.88 m ang lebel ng tubig nito na epekto naman ng bagyong Ulysses kung saan ilan na lamang ang agwat nito sa 193m na spilling level.