“Nasa kamay ninyo ang dugo.”
Ito ang paalala ng Malacañang sa mga opisyal ng lokal ng pamahalaan na tumatayong protektor ng mga illegal logging at mining operations sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Atty. Harry Roque, bilang mga halal na opisyal ng pamahalaan tungkulin ng mga ito na ipatupad ang batas, at tiyaking walang nalalabag sa mga ito.
Bukod dito, sinabi pa ni Roque na dahil sa mga iligal na operasyon ng mga minahan ay napakaraming inosenteng buhay ang nabubuwis tuwing may sakuna, at kasalanan ito ng mga opisyal ng pamahalaan na protektor ng mga iligal na aktibidad.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Roque na malaki ang posibilidad na matanggal sa puwesto at maharap sa kaso ang mga lokal na opisyal na mapatutunayang sangkot at nakikinabang sa mga illegal mining at logging activities sa bansa.
…nandiyan kayo para magpatupad ng batas, hindi para kayo ang lumabag ng batas, hindi po dapat ginagamit na parang negosyo, para sa negosyo ang inyong posisyon, nakita po naman natin ang danyos na dulot ng illegal logging at illegal mining lalong-lalo na sa probinsya ng Cagayan you will have blood in the hands kung poprotektahan niyo ang illegal mining at saka illegal logs”, pahayag ni Roque.