Balik-operasyon na ngayong Lunes, ika-22 ng Hunyo, ang biyahe ng mga modernong jeepney at mga city buses.
Ayon kay Presidential Spokesman Atty. Harry Roque, kumpiyansa ang Malacañang na matatapos na ang mga hinaing at problema ng publiko sa kawalan ng pampublikong transportasyon.
Sinabi ni Roque, nasa 3,600 pampasaherong bus at 1,500 pang mga behikulo ang inaasahang bumiyahe ngayong araw sa pagsisimula ng second phase ng pagbabalik operasyon ng mga pampublikong transportasyon.
Gayunman, sinabi ni Roque na mahigpit pa ring ipatutupad ang social distancing at 50% lamang ng kabuuang kapasidad ng mga ito ang maaring makasakay.
Samantala, sinabi naman ni Transportation road sector consultant Alberto Suansing na hindi pa rin makakapasada ngayong araw ang mga U.V. Express dahil hindi pa tapos ang pagsasaayos sa magiging ruta ng mga ito.
Taliwas ito sa naunang plano ng Department of Transportation (DOTr) para sa ikalawang phase ng pagbabalik ng mga pampublikong transportasyon kung saan kabilang sana ang mga U.V. Express sa mga papayagang makabiyahe simula ngayong araw.
Matatandaang sinuspinde kasi ang biyahe ng mga pampublikong sasakyan noong Marso nang ipatupad ng pamahalaan ang enhanced community quarantine (ECQ).
Sa ilalim ng plano ng DOTr, pinayagan nang bumiyahe noong unang araw ng Hunyo ang mga tren, augmentation buses, (TNVS), shuttle services, bisekleta, at mga point-to-point (P2P) buses, habang makakabiyahe naman ngayong araw ang mga modernong jeep at lahat ng mga pampublikong bus.