Kumpiyansa si dating Senator Antonio Trillanes IV na isa lamang “political distraction” ang pagtalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo bilang Co-Chairperson ng Inter-Agency Commission on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay Trillanes, nag-simula kasi ang alok na ito ng pangulo kay Robredo matapos nitong batikusin ang war on drugs ng administrasyon.
Aniya, mistula kasing ayaw i-re-assess ng pamahalaan ang kanilang mga hakbang sa war on drugs dahil ang sinabi lamang ni Robredo ay tumataas ang bilang ng drug users sa bansa na nakabatay naman sa pahayag mismo ng pangulo.
Giit pa ng dating senador, imbes na ayusin at tanggapin ng administrasyon na palpak ang kampanya kontra iligal na droga ay mag-aalok ito ng posisyon kay Robredo.
Kasabay nito, sinabi rin ni Trillanes na sa designation na ito ni Robredo, limitado lamang ang kaniyang kapangyarihan at magkakaroon lamang ito ng conflict sa mga ahensiya sa ilalim ng ICAD.
Sa ngayon, binigyang diin pa ni Trillanes na dapat tanggihan ni Robredo ang ibinigay na posisyon sa kaniya dahil madadamay lamang aniya ito sa kapalpakan ng pangulo na wakasan ang operasyon ng illegal drugs sa Pilipinas.