Ikinababahala na ng Department Of Health (DOH) ang posibilidad ng medical crisis dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa bansa.
Ito ay matapos na mapaulat na malapit nang mapuno ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) dahil sa taas ng kaso ng leptospirosis sa bansa, matapos ang mga nagdaang bagyo.
Sinabi ni NKTI Chief Dr. Rose Marie Liquete, malapit na kasing maabot ng NKTI ang full capacity nito, dahil kulang din aniya ang kanilang manpower matapos na mag-bitiw sa pwesto ang ilang mga nurse.
Sa ngayon, nasa 77 aniya ang kaso ng leptospirosis sa NKTI.
Una rito, sinabi ng DOH na posibleng tumaas ang bilang ng kaso ng leptospirosis sa bansa sa kalagitnaan ng Disyembre dahil inaabot aniya ng 2 hanggang 28 araw bago lumabas ang sintomas nito.
Sa ngayon, pinayuhan naman ni Liquete ang publiko na agad na magpatingin sa mga doktor sa oras na makaramdam ng mga sumusunod na sintomas:
- lagnat
- paninilaw ng balat
- pamumula ng matang walang pagmumuta
- pananakit ng ulo at muscles