Muling inihirit ni Muntinlupa Representative Ruffy Biazon ang pagsusuot ng mga pulis ng body cameras.
Ito ay matapos ang nangyaring insidente sa pagitan ng pulis at isang residenteng dayuhan sa isang subdivision sa Makati City dahil sa isyu ng hindi pagsusuot ng face mask ng kasambahay nito habang nagdidilig ng halaman sa labas ng kanilang tahanan.
Ayon kay Biazon, ang pagsusuot ng body cameras ay magsisilbing proteksyon ng publiko at mismong tagapagpatupad ng batas.
Aniya, batay kasi sa video na inilabas ng panig ng residenteng si Javier Salvador Parra ay naging negatibo ang pagtingin sa pulis na nakabangga nito.
Mabuti na lang aniya ay may isa pang kuha ng video sa panig ng pulis kung saan makikita na mahinahon itong nakikipag-usap sa residente bago naganap ang pagtangka nitong pag-aresto.
Iginiit pa ng mambabatas na sa tulong ng bodycams ay maidodokumento ang mga tunay na nangyayari sa mga ganitong insidente.
Samantala, magugunitang noong taong 2016 pa inihain ni Biazon ang panukalang pagkakaroon ng bodycams sa mga pulis ngunit hanggang ngayon ay hindi parin ito naipapasa sa Kamara.