Suportado ng mga senador ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na suspendihin muna ang pagbasura ng pamahalaan sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, mahalaga ang naging desisyon na ito ng pamahalaan at dapat na gamitin ang panahon na ito upang ire-assess at pag-aralan ng mabuti ang defense relationship ng Pilipinas at Amerika.
Sinabi pa ni Sotto, posibleng ding kailangan ng bansa ng bagong kasunduan sa Estados Unidos, at maari din namang amyendahan na lamang ang umiiral na VFA.
Habang, sinabi naman ni Senator Aquilino ‘Koko’ Pimenetel, chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, nasa pangulo ang desisyon kung nais nitong kumalas ang bansa sa nasabing kasunduan, kaya’t hawak din ng pangulo ang desisyon kung nais nitong suspendihin ang pagbasura ng Pilipinas sa VFA.
Samantala, para naman kay Senator Francis Tolentino dapat lamang matiyak na mananatiling matatag ang relasyon ng Pilipinas at Amerika, partikular na ang security relations ng dalawang bansa.