Isinusulong ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagsasara ng mga sementeryo sa loob ng isang linggo.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, inaantay pa nilang aprubahan ng Inter Agency Task Force (IATF) ang kanilang rekomendasyon na isara ang mga sementeryo sa Metro Manila sa darating na Undas.
Kaugnay nito, umaapela rin ang MMDA sa mga local government units (LGU) na bumalangkas ng guidelines kagaya na lamang ng planong ipatutupad sa Marikina City kung saan papayagan ang publiko na bumisita sa mga sementeryo bago ang itinakdang pagsasara ngunit para sa 30% kapasidad lamang.
Ang hakbang na ito ay upang maiwasan ang pagdagda ng publiko sa mga sementeryo.
Una rito, nagkasundo na ang mga alkalde sa Metro Manila na isara ng isang Linggo mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4 ang mga sementeryo dahil pa rin sa banta ng COVID-19.