Umaapela ang San Miguel Corporation (SMC) sa Department Of Tourism (DOTr) na palawigin pa ang deadline sa pagdidikit ng mga stickers ng RFID sa mga motorista na gumagamit ng mga expressway.
Magugunitang, ngayong araw, Disyembre 1 na ang deadline ng DOTr sa mga toll operators na gawing 100% ang kanilang cashless transactions.
Sa sulat ni SMC CEO Ramon Ang kay Transportation Secretary Arthur Tugade, hinihingi nitong palawagin pa ang deadline hanggang sa Pebrero sa susunod na taon.
Paliwanag nito, bagamat naikabit na nila ang lahat ng aparato na magbabasa sa RFID stickers sa lahat ng tollgate ng mga hawak nilang expressway ay marami paring mga motorista ang hindi pa nakakabitan ng RFID.
Kanila aniyang pinangangambahan na baka magkaroon ng volume ng traffic sa mga service road papasok at palabas ng Metro Manila.
Samantala, inaasahan nang gagana ang lahat ng electronic toll collection sa SLEX, Star Tollway, TPLEX, SCTEX, skyway at NAIA expressway simula ngayong araw.