Sinuspinde na ng pamahalaan ang pagpapadala ng mga Pilipinong doktor, nurse at iba pang health workers sa ibang bansa upang mapreserba ang mga frontliners sa Pilipinas na lumalaban kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), layon ng naturang hakbang na i-prayoridad ang human resource allocation sa bansa para sa national health care system ngayong panahon ng national state of emergency.
Saklaw ng deployment ban ang medical doctor/physician, nurse, microbiologist, molecular biologist, medical technologist, clinic analyst, respiratory therapist, pharmacist, laboratory technician, x-ray/ radiologic technician, nursing assistant/nursing, operator of medical equipment, supervisor of health services and personal care at repairman ng medical-hospital equipment.
Samantala, tatagal naman ang naturang moratorium hanggang alisin na ng pamahalaan ang mga travel restriction.