Pansamantalang ipinagbabawal ang paglipad ng lahat ng sasakyang panghimpapawid ng Philippine Air Force, matapos na bumagsak ang isang chopper nito na ikinasawi ng pito katao noong Sabado.
Ayon kay Philippine Air force Spokesperson Lr. Col. Aristides Galang, SOP na grounded ang lahat ng aircraft ng PAF dahil isinasailalim pa sa inspeksyon ang mga ito matapos na bumagsak ang UH-H1 helicopter sa Bukidnon.
Gayunman, iginigiit parin ni Galang na ‘well maintained’ ang bumagsak na chopper at ang lahat ng kanilang aircraft ay dumadaan sa masusing isnpeksyon bago ito lumipad.
Magugunitang magsasagawa sana ng resupply mission ang mga nasawi sa UH-1H helicopter para sa 403rd Infantry Brigade ng Philippine Army sa Malaybalay, Bukidnon nang biglang nasira umano ang makina nito dahilan para bumagsak ito sa lupa.
Kinilala naman ang mga nasawi na sina: Lt Col. Arnie Arroyo, taga-Zamboanga City, piloto ng UH-1H helicopter; co-pilot na 2nd Lt. Mark Anthony Caabay, at mga crew na sina Sgt. Stephen Aggarado, Sgt. Mervin Bersabe, Army Sgt. Julius Salvador at Caa Jerry Ayukdo, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa pang biktima.