Nakalalabag sa saligang batas ang ginawang hakbang ng Department of National Defense (DND) sa pagkansela nito ng kasunduan sa pagitan ng University of the Philippines (UP), dahil nagiging breeding ground umano ito ng mga terorista.
Paliwanag ng Commission on Human Rights (CHR), malinaw na nakasaad sa article 14 section 5 ng 1987 Philippine constitution na mayroong academic freedom ang lahat ng higher learning institutions sa bansa.
Giit pa ng CHR na ang kasunduan ng UP at DND ay nagbibigay ng proteksyon sa mga estudyante batay na rin sa prinsipyong pangkarapatang pantaong isinusulong nito.
Dagdag pa ng CHR, napatunayan na sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan, lalo na noong panahon ng martial law kung saan naging kanlungan ng mga kabataan ang UP campuses mula sa iba’t ibang porma ng karahasan laban sa mga kumokontra sa polisiya ng pamahalaan.