Ikinakasa na ng Duterte administration ang pagbawas sa mga tanggapan ng pamahalaan para ma-streamline ang burukrasya.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, panahon pa ng yumaong dating Pangulong Corazon Aquino nung huling magpatupad ng streamlining ng burukrasya ang gobyerno.
Marami na anyang nabago sa panahon at marami nang tanggapan at trabaho sa gobyerno ang nawalan ng saysay o nauulit lang ang trabaho dahil sa pagbabago ng teknolohiya.
Gayunman, tiniyak ni Diokno na sisikapin nila na hindi maging masyadong masakit ang streamlining ng burukrasya sa pamamagitan ng pagbibigay ng malaking separation pay sa mga magkukusang magretiro o mabitiw sa puwesto para may magamit sila sa pagne-negosyo.
Uniformed personnels
Samantala, tiyak nang magiging doble ang suweldo ng mga unipormadong tauhan ng pamahalaan sa 2018.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, pinag-aaralan nilang simulan na ngayong taon ang paunti-unting dagdag sa suweldo ng uniformed personnel tulad ng mga pulis, sundalo, bumbero, coast guard at iba pa.
Sinabi ni Diokno na hindi rin makikita sa panukala nilang budget sa 2017 ang dagdag na suweldo sa mga uniformed personnel subalit puwede itong kunin mula sa miscellaneous benefits fund.
Sakaling matuloy, aabot na sa halos P30,000 ang magiging suweldo ng may pinakamababang ranggo ng pulis sa 2018.
By Len Aguirre