Umaapela sa gobyerno si assistant majority leader at ACT-CIS party-list representative Niña Taduran na bawasan ang importasyon ng karne ng baboy.
Ito ay matapos na umusbong ang panibagong uri ng swine flu mula sa China.
Paliwanag ni Taduran, ang bagong G4 strain ng H1N1 swine flu ay nakakaapekto na sa 10% ng mga nag-aalaga at nagnenegosyo ng mga baboy sa China kung saan pinapangambahan rin itong maging isang pandemya.
Dagdag pa ng kongresista, aabot na sa 94% na porsyento ang self-sufficiency ng bansa pagdating sa karne ng baboy kung kaya’t hindi na kinakailangan pang mag-angkat ng naturang produkto.
Payo ni Taduran sa pamahalaan, dapat na bigyan ito ng agarang aksyon upang maiwasan ang pagsulpot ng panibagong krisis pangkalusugan sa bansa at maprotektahan ang kalusugan ng mga pilipino gayundin ang kabuhayan ng mga hog raisers.