Iminungkahi ni Ang Probinsyano party-list Representative Ronnie Ong sa Inter-Agency Task Force (IATF) na mag-isyu ng special IDs o exemption passes para sa mga mag-asawa o mga magkakamag-anak.
Ito ay kasunod ng hirit na payagan na ang pag-aangkas sa motorsiklo sa kabila ng umiiral na general community quarantine (GCQ).
Ayon sa kongresista, dapat ding ikonsidera ng IATF ang sakripisyo at hirap ng publiko dahil sa kawalan ng pampublikong transportasyon.
Aniya, kahit naman kasi ipinagbabawal ng IATF ang pag-angkas ng mga magkakamag-anak bilang pag-iingat sa COVID-19 ay hindi naman maiiwasan na magkaroon ito ng contact sa kani-kanilang mga pamilya oras na nasa loob na ito ng tahanan.
Bukod dito, mas magiging mahirap din ang pagsasagawa ng contact tracing kung sumasakay sa pampublikong transportasyon ang isang kaanak sa halip na sa motorsiklo na lamang na minamaneho ng kapamilya nito.
Nilinaw naman ni Ong na sa pag-iisyu ng special ID o exemption pass ay maaaring humingi ang issuing agency ng marriage certificate o di kaya’y barangay certificate of residency bilang patunay na magkamag-anak ang mga ito.
Samantala, naniniwala naman ang mambabatas na ito ang ‘win-win solution’ at payagan na ng IATF ang pag-angkas ng kamag-anak sa motorsiklo.