Welcome para sa Malacañang ang naging hakbang ng Korte Suprema na imbestigahan ang mga ‘narco-judges’.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, kinikilala nila ang kalayaan ng High Tribunal bilang isa sa tatlong sangay ng pamahalaan.
Magugunitang pitong hukom ang pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na protektor umano ng iligal na droga subalit apat lamang sa mga ito ang nananatiling aktibo.
Dahil dito, sinabi ni Andanar ang Supreme Court ang siyang may kapangyarihan sa lahat ng korte partikular na ang pagdidisiplina sa mga pasaway na miyembro nito.
Bato sa SC: “Relax lang”
“Relax lang”…
Ito ang reaksyon ni Philippine National Police (PNP) Chief Dir/Gen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa paanyaya ng Korte Suprema na kasuhan ang mga tinaguriang ‘narco-judges’.
Sa paglulunsad ng PNP Health and Fitness Program sa Kampo Crame, sinabi ng PNP Chief na kinukumpleto pa nila sa ngayon ang mga ebidensya laban sa mga akusado.
Limang araw ang ibinigay ni Supreme Court Associate Justice Roberto Abad kina Dela Rosa at PDEA Dir/Gen. Isidro Lapeña para isumite ang kanilang reklamo sa High Tribunal.
Gayunman, sinabi ng PNP chief na wala pa siyang natatanggap na sulat mula sa Korte Suprema hanggang sa kasalukuyan.
By Jaymark Dagala | Aileen Taliping (Patrol 23)