Labis na ikinatuwa ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ang mungkahing pondohan ang taas-sahod ng mga guro mula sa buwis na makokolekta sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ayon kay Benjo Basas, chairman ng nasabing grupo, dapat talagang gawing prayoridad ng pamahalaan ang salary increase ng mga guro sa bansa.
Aniya, matagal na kasing isinisigaw ng mga pampublikong guro sa bansa ang umento sa sahod at isa rin ito sa mga ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod dito, ani Basas, marami namang mapagkukunan ng pondo ang pamahalaan kung talagang pursigido ito na maitaas na ang sahod ng mga guro sa bansa lalo na’t wala namang kinaharap na problema ng itinaas ang sahod ng mga pulis at militar.
Una rito, sinabi ni Deputy Speaker Mikee Romero at Iligan City Rep. Frederick Siao na dapat magbayad ang POGO ng buwis upang mapondohan ang salary increase ng halos 1-milyong public teachers sa bansa.
Gayunman, aminado naman si Basas na kung sakali mang matuloy ang mungkahi ng mga mambabatas ay sa taong 2021 pa ito maipatutupad.
Mukhang kailangan ng prioritization doon sa mga gagastusan —although sabi ng Supreme Court bawal na, pero ‘yung congressional allocation, ‘yung pork barrel na tinatawag po natin, baka pupuwedeng bawasan o kaya tanggalin talaga, at ibigay sa mga social services, marami pa po tayong mapagkukunan ng pondo,” ani Basas. —sa panayam ng Ratsada Balita