Pinaiimbestigahan na ng mga mambabatas ang malaking halaga ng pera na ipinapasok ng mga dayuhan sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Senador Richard Gordon na milyun-milyong dolyar kasi ang ipinapasok ng mga Chinese nationals sa Pilipinas.
Aniya, talamak kasi ngayon ang money laundering bunsod na rin ng pagdami ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Ayon sa senador, dapat ding magpaliwanag ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) dahil sa aniya’y milyun-milyong dolyar na ipinapasok ng mga dayuhan sa bansa at kung bakit ‘tila hindi namomonitor ng AMLC ang ipinapasok na pera ng mga ito.
Dagdag pa ng senador, tiwala siyang ginagamit ang nasabing pera para sa ilegal na gawain.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Senador Panfilo Lacson na dapat magkaroon ng masusing pagsusuri sa records ng foreign tourists.
Una rito, sinabi ng Bureau of Customs (BOC) na kadalasang idinideklara ng mga dayuhan na gagamitin nila ang kanilang pera para sa travel, casino at pagpapalago ng investments o negosyo.
Sa ngayon, tiniyak naman ng BOC na mas paiigtingin pa nila ang pagbabantay sa mga ipinapasok na pera ng mga dayuhan sa Pilipinas.