Duda si Migrante International Secretary General Sol Pillas na hindi na itutuloy ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang planong pagbulatlat sa mga balikbayan box.
Iginiit ni Pillas na ito ay dahil mismong BOC na ang nagsabi na bubuksan pa din ang mga kahon kung sa tingin nito ay mayroong kahina-hinalang bagay sa loob nito.
“Tapos nang i-x ray, tapos na ang lahat lahat pero tingin nila kahina-hinala, ito ay kanila pa ding bubuksan, at sa ganoon pong kanilang pahayag at plano, lahat po ‘yan ay pupuwede nilang buksan, ‘yun po ‘yung catch doon ng BOC at puwede pong samantalahin ito ng ibang opisyales nila.” Ani Pillas.
Nakiusap din si Pillas sa BOC na patunayan nito ang kanilang naunang pahayag na mayroon silang nakitaang balikbayan box na naglalaman ng kontrabando.
“Kung sila man po ay may nakuha na o may nahuli nang OFWs, na ‘yung mga balikbayan box na ‘yan na may mga lamang kontrabando, parusahan nila pero ipakita nila totoo ba, gusto naming makita ‘yun.” Pahayag ni Pillas.
Zero remittance
Samantala, maliit ang isang araw na walang remittance kumpara sa pang araw-araw na paghihirap ng mga Overseas Filipino Worker (OFW).
Ayon kay Migrante International Secretary General Sol Pillas, kaisa nila ang kanilang mga pamilya sa paglulunsad ng zero remittance day at alam ng mga ito ang kanilang mga gagawin upang makaagapay.
Iginiit din ni Pillas na mahalagang maiparamdam ng mga OFW sa pamahalaan, ang kanilang hinaing, lalo na at labis na silang pinagkakakitaan ng pamahalaan.
“Sa sobra na pong pagtitiis ng aming mga pamilya sa mga araw-araw na kahirapan ng buhay dito sa Pilipinas, handa po silang magtiis sa isang araw na hindi pa muna nila matatanggap ang kanilang perang panggastos sa loob ng isang buwan o sa loob ng isang linggo.” Giit ni Pillas.
By Katrina Valle | Kasangga Mo Ang Langit