Nilinaw ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na wala pang anomang babayaran ang mga umutang sa bangko habang umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay BSP Managing Director Pia Roman-Tayag, pagkatapos na ng ECQ magkakaroon ng bagong bayarin, kung saan ang babayaran na lamang ay hulugan at ang tatlong buwang interest kung nanaisin lamang na isabay ito.
Aniya, maaari rin namang hatiin ang paghuhulog ng bayarin kung gaano pa katagal ang loan.
Samantala, iginiit rin ni Tayag na hindi maaaring parusahan ang sinomang hindi makakapagbayad sa ngayon sa mga bayarin sa credit card.
Dagdag pa nito na bawal patungan ang mga naipong interes sa bills noong Marso, Abril at Mayo.
Tiniyak naman ng BSP na ibabalik sa mga kostumer ang mga nauna nang naisaling finance charge sa credit card.