Nangako ang Philippine Sports Coalition na kanila pang papalakasin ang mga programang pampalakasan upang madagdagan ang medalya ng pilipinas pagsapit ng 2020 Tokyo Olympics.
Ayon kay PSC Chair William Ramirez, hindi tamang maghangad ng olympic medal ang Pilipinas nang wala namang ginagawang aksyon o solusyon para palakasin ang kakayahan ng mga atletang Pilipino.
Naniniwala si Ramirez na kailangang mag-invest ang PSC para sa foreign training at exposure ng mga atleta.
Panahon na rin aniya para mag-hire ng magagaling at karapat-dapat na coach at tiyakin ang mga pangunahing pangangailangan ng mga atleta gaya ng pagkain at malinis at kumportableng tirahan ng mga manlalaro.
Binigyang diin pa ni Ramirez na dapat ay may physiologist, psychologist at nutritionist na nakikipagtulungan sa training ng mga atleta.
Matatandaang nabuhayan ang loob ng lahat nang tapusin ng female weightlifter na si Hidilyn Diaz ang matagal na pagka-uhaw sa olympic medal ng Pilipinas makaraang makasungkit ito ng pilak na medalya sa 2016 Rio Olympics.
By Ralph Obina