Ikinaalarma ng mga opisyal mula sa Cebu ang ulat na mula sa lalawigan ang synthetic white sand na itinambak sa Manila Bay.
Ayon kay Provincial Board Member John Ismael Borgonia, ikinagulat nila ang naging pahayag ni Environment Usec. Benny Antiporda na ang buhangin na itinambak para sa sinasabing ‘beach nourishment’ ng Manila Bay ay mga pinulbos na bato mula sa Cebu.
Sinabi ni Bargonia, chairman din ng Provincial Board Committee on Environment Conservation and Natural Resources, kahit na proyekto pa ito ng national government, dapat pa rin itong ipagbigay alam sa lokal na pamahalaan ng Cebu kung saan dapat humingi rin aniya ang DENR ng permit mula sa lokal na pamahalaan ng Cebu.
Nabatid kasi na ang white sand na itinambak sa dalampasigan ng Manila Bay ay mga pinulbos na dolomite rocks mula Cebu na bahagi naman ng P349 million na Manila Bay beach nourishment project ng DENR.
Matatandaang sinabi ni Antiporda na ang pagtatambak ng white sand sa Manila Bay ay makatutulong upang mahikayat ang publiko na pangalagaan ito at huwag tambakan ng basura ang Manila Bay.