Umapela ang Joint Task Force COVID-19 Shield sa mga mamamahayag na huwag konsintehin ang paglabag ng ilang personalidad sa ipinatutupad na quarantine protocols.
Inihayag ito ni Joint Task Force COVID-19 Shield Commander P/LtG. Guillermo Eleazar kasunod ng mga birada ng abogadong si Atty. Larry Gadon sa ipinatutupad na quarantine protocols ng Department of Health (DOH).
Magugunitang nagbigay ng panayam si Gadon sa mga miyembro ng media nang maghain ito ng petisyon sa korte suprema para palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang walang suot na facemask at face shield.
Giit ni Eleazar, magiging mahirap para sa pamahalaan ang pagpapatupad ng mga safety protocols kung ang mismong mga personalidad na dapat sana’y maging huwaran ang siyang unang lumalabag dito.
Una rito, nag-viral ang abogado sa kaniyang mga pahayag na hindi siya naniniwala sa pagsusuot ng facemask at faceshield dahil pananakot lamang ito ng DOH sa publiko.