Inaprubahan na ng U.S. Senate Panel ang panukalang pagbawalang makapasok sa Estados Unidos ang mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas na sangkot sa pagkakakulong ni Senator Leila De Lima.
Ito’y ayon mismo kay U.S. Senator Richard Durbin, kung saan pinapurihan pa nito ang pag-apruba ng Senate Appropriations Committee sa panukalang amyendahan ang 2020 state and foreign operations appropriations bill.
Aniya, layon nitong pagbawalan ang mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas na mapatutunayang sangkot sa umano’y “politically motivated imprisonment” ng senadora.
Giit pa ng U.S. Senator, panahon na para palayain si De Lima.
Magugunitang, una na ring ipinanawagan ni U.S. Senator Marco Rubio na palayain si De Lima, dahil halos 2 taon na aniya itong nakakulong dahil sa mga bogus charges na isinampa laban dito.