Dapat na mapanagot sa batas ang mga lumalabag sa quarantine protocols sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ito ang naging paalala ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa publiko kaugnay ng isinagawang birthday party ng celebrity na si Tim Yap sa The Manor Hotel sa Baguio City.
Sa nasabi kasing selebrasyon, sa pamamagitan na rin ng mga nagkalat na video at litrato online, malinaw na makikita ang mass gathering ng mga bisita kung saan wala ang mga itong suot na face masks, face shield at hindi rin nasunod ang social distancing.
Ayon kay Vergeire, malinaw na nakasaad sa protocols ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na mahigpit na ipinagbabawal ang mass gathering, at mayroon lamang dapat na sunding porsyento o dami ng indibidwal sa mga pagtitipon—para sa mga GCQ, at MGCQ areas.
Dahil dito, umapela ang DOH sa Department of Interior and Local Government (DILG) na tiyaking nasusunod ang mga health protocols.