Inumpisahan nang isalang ng Department of Health (DOH) ang mga asymptomatic patients sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) test.
Ito ang inihayag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire kung saan binago aniya nila ang kanilang testing protocols kung kaya’t kabilang na rito ang mga ‘high risk’ na mga indibidwal.
Una rito sinabi ni COVID-19 Response Deputy Implementer Vince Dizon na nasa higit 40,000 na ang testing capacity ng bansa kaya’t maari nang isalang sa testing ang mga asymptomatic o yung mga wala namang sintomas ng COVID-19.
Kaugnay nito, sinabi nama ni Vergeire na maite-test na ang mga itinuturing na ‘high risk population’ gaya ng mga nasa bilangguan, mga nasa nursing homes, mga lugar na malapit sa ospital na may mataas na kaso ng COVID-19 at iba pa.