Sa gitna ng kontrobersya ukol sa umano’y iregularidad sa ilang flood control projects sa bansa, nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng Sablayan ng kakaibang mass wedding sa ibabaw mismo ng bagong gawang flood control structure sa Patrick River sa Occidental Mindoro.
Dalawampu’t siyam na magkasintahan ang sabay-sabay na nagpalitan ng “I do” sa programang “Kasalang Bayan sa Barangay Tagumpay.”
Sa gitna ng mga usaping pambansa tungkol sa flood control anomalies, layon ng aktibidad na ipakita na may puwang pa rin para sa pag-ibig at panibagong simula sa Sablayan.
Nagpahayag naman ng pag-asa ang mga bagong kasal na mananatiling matatag ang kanilang pagsasama — taliwas sa ilang flood control structures na umano’y bumagsak kahit bago pa lamang maitayo.
Isa ang Sablayan sa mga bayan sa Occidental Mindoro na may maraming proyekto laban sa pagbaha dahil madalas itong bahain tuwing malalakas na ulan at pag-apaw ng mga ilog.




