Nasagip ang 150 katutubong Badjao sa Quezon City na namamalimos ngayong kapaskuhan.
Ayon kay Task Force Disiplina Action Officer Rannie Ludovica, galing ang mga katutubo sa Lucena, Quezon at lumuwas lamang sa Quezon City para mamalimos sa mga kalsada.
Aniya, delikado ang ginagawa ng mga ito lalo na’t may mga bitbit itong mga bata at sanggol kapag namamalimos.
Kasalukuyan namang dinala sa covered court ng barangay Batasan Hills ang mga Badjao para isailalim sa profiling at mabigyan ng makakain.
Samantala, nangako naman ang lokal na gobyerno na kanilang ihahatid ng ligtas ang mga katutubo sa kanilang pinanggalingan sa Lucena, Quezon.