Limampu’t walong (58) kaso ng murder ang isinampa laban sa mahigit 100 suspek –15 dito ang mayroong apelyidong Ampatuan.
Pinangungunahan ito nina dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. at ng kanyang mga anak na sina Unsay, Sajid at Zaldy.
Walo sa mga akusado ang sumakabilang buhay na kabilang si Andal Sr. na nasawi sa liver cancer noong 2015.
Sa orihinal na 197 akusado, 80 rito ang hindi pa naaaresto hanggang sa ngayon.
Nasa walo naman ang napalaya dahil sa kakulangan ng ebidensya –dalawa rito ang ginawang state witness.
Sa halos 10 taon, 134 na testigo ang naiprisinta ng prosecution, at 165 naman sa panig ng depensa.
Samantala, nak-20 palit ng grupo ng mga abogado ang mga akusado, samantalang tatlong beses namang napalitan ang panels of prosecutors dahil na rin sa pagpapalit ng administrasyon.
Upang lalo pong maging malinaw sa lahat ang kaso ng Maguindanao o Ampatuan massacre at magkaroon tayo ng perspektibo sa mangyayaring pagbaba ng hatol sa mga akusado, balikan ang naging Siyasat ng DWIZ 882 tungkol sa Maguindanao massacre na isinahimpapawid noong November 22, 2014 —sa ika-limang anibersaryo ng pinakamalagim na krimeng nangyari sa bansa.
Hindi kayang abutin ng kaisipan ang lupit na dinanas ng 58 katao –mahigit 10 taon na ngayon ang nakakaraan.
Hindi ito nangyari sa isang giyera at lalong hindi mga bandido o rebelde ang mga namatay.
Sila ay mga inosenteng mamamahayag, mga kababaihan na kamag-anak ng isang pulitiko, mga abogado at bodyguards.
Limampu’t walong buhay ang tinadtad ng bala at ibinaon sa lupa sa pamamagitan ng backhoe, kasama ang kanilang mga sasakyan sa Sitio Masalay bayan ng Ampatuan sa Maguindanao.
Marami sa kanila ang hindi agad nakilala dahil halos sumabog ang ulo sa tama ng malalakas na uri ng baril.
May tinanggalan ng tenga, pinugutan, samantalang ang mga babae ay sa maselang bahagi pa ng katawan niratrat ng bala.
Itinuturing itong pinakamalagim na pagpatay ng maramihan sa kasaysayan, hindi lamang sa Pilipinas, kun’di sa buong mundo, kaya’t hindi ito dapat kalimutan ng sambayanan.
Ito ang –Maguindanao massacre.
Malaki ang binago ng Maguindanao massacre sa buhay ng mga iniwan nilang mahal sa buhay.
Nawalan na sila ng katuwang sa buhay, asawa, kapatid , anak –ara- araw pa silang binabalot ng takot dahil sa maimpluwensyang angkan ang kanilang kalaban.
Patuloy ang di umano’y pailalim na pagkilos ng mga akusado upang maiurong ang kaso.
Labingpitong tama ng bala ang ikinasawi ni Marites Cabletas, isa sa 32 mamamahayag na biktima ng Maguindanao massacre.
Publisher si Marites ng News Focus sa General Santos City at anchor sa RPN DXDX Radio.
Ayon ay Olivert Cabletas, asawa ni Maritess, sa loob ng maraming taon, pabalik-balik sa kanyang ala-ala ang larawan ng massacre site kung saan ibinaon ang 58 katao kasama ang kanilang mga sasakyan.
Tinadtad talaga, slaughtered, yung iba basag ang mukha, nawala yung ilong, something like that ‘di ma-identify kasi halo-halo first time in history nakikita ko dun na parang kinatay ‘tong lahat, nakahandusay na lahat dun,” ani Cabletas.
Kapansin-pansin sa paglalarawan ng pamilya ng mga biktima na karamihan ng tama ng bala sa mga nasawi ay sa hita hanggang sa paa.
At bagamat mangilan-ngilan lamang ang tama sa katawan at ulo, nagmula naman ito sa mga matataas na klase ng baril kaya’t halos sabog ang ulo at katawan ng mga biktima.
Ang pinakamasaklap talaga kasi pinapasok na lahat wala ng mga mukha, binalot na lahat ng karton. Walang mukha yun, wala kang makita kabaong lang, ‘yun ang pinakamasakit kasi yung mga anak ko na-trauma sa kanila kasi hindi nila makikita sa huling hantungan yung nanay nila,” ani Cabletas.
Sa 58 biktima ng Maguindanao massacre, 32 dito ay mga mamamahayag.
Isa rito ang kapatid ni Ric Catuela na reporter ng Punto News.
Ayon kay Catuela, naiiyak sya kapag naaalala nya ang karuma-dumal na pagpatay sa kanyang kapatid.
Nakakaawa nga tignan yung mga bangkay, makikita mo talaga sa kanila yung talagang masakit yung nangyari sa kanila, yung mga reaksyon ng mga itsura, tuwing maalala ko yung ganung sitwasyon hanggang sa ngayon umiiyak nga ako eh,” ani Catuela.
Marami sa mga naging biktima ng Maguindanao massacre ay may komunikasyon pa sa pamilya sa pamamagitan ng text bago may masamang nangyari sa kanila.
Ayon kay Oliver Cabletas, regular ang palitan nila ng text ng asawang si Marites dahil bago pa man ito umalis ay nag-aalala na sya na baka may mangyari.
Tinext ko lang ang sabi ko, delikado baka merong hindi natin alam na mga tao na lawless elements sabi niya na wala naman kasi marami namang back-up na military and then maraming media na kasama so, wala namang mangyayari, parang ganun. And then, nag-text pa rin kami hanggang dumating sila ng, sabi niya sakin, last text niya, is proceeding na sila ng Tarip Agwa so, hindi ko mag-11 or 10 something ganung time. Ayon wala ng ano, hindi na nag-text,” ani Cabletas.
Tinext ko lang ang sabi ko, delikado baka merong hindi natin alam na mga tao na lawless elements sabi niya na wala naman kasi marami namang back-up na military and then maraming media na kasama so, wala namang mangyayari, parang ganun. And then, nag-text pa rin kami hanggang dumating sila ng, sabi niya sakin, last text niya, is proceeding na sila ng Tarip Agwa so, hindi ko mag-11 or 10 something ganung time. Ayon wala ng ano, hindi na nag-text.
Wala namang ibang tinutumbok, wala namang ibang suspeks kundi Ampatuan lang, eh nandyan naman lahat. So, yung nga ang ini-explain sa amin na meron tayong procedure sa court, may due process so, what about victims, where are the due process of the victims, yung sa kanila lang, yung sa mga biktima kailangan i-process. Mabagal talaga lalo na ngayon so, hoping na lang kami sa yung mga pangako ni Presidente,” ani Cabletas.
Umaga ng November 23, 2009, 32 mamamahayag ang sumama sa asawa ng noo’y Buluan Vice Mayor Toto Mangudadatu patungo ng COMELEC Office sa Sharif Aguak.
Limampu’t walo ang kabuuan ng kanilang bilang kasama ang ilang kamag-anak ni Mangudadatu at election lawyers.
Nagpasya si Mangudadatu na ang asawang si Jennylyn ang maghain ng kanyang certificate of candidacy para tumakbong gobernador ng Maguindanao kalaban ng noo’y gobernador na si Zaldy Ampatuan.
Naniniwala si Mangudadatu na hindi gagalawin ng pribadong armadong grupo ng mga Ampatuan ang grupo ni Jennylyn dahil halos lahat sila ay mga babae.
At bilang karagdagang seguridad, nagsama sila ng maraming mamamahayag, pero hindi nakarating ng Shariff Aguak ang mahabang convoy.
At around 9:30 in the morning, tinawagan po ako ng aking asawa sabi niya ‘Papa hinarang kami dito ng mga humigit kumulang 100 na armadong kalalakihan, na ito na’ sabi niya ‘papalapit na si Unsay Ampatuan, si Andal Ampatuan’, sabi niya ‘sinampal na niya ‘ko’, yun ang huling mensahe ng aking asawa, tinawagan ko muli hindi ko na siya makontak. Kinidnap sila, in-abduct sila dinala sa isang lugar na kung saan doon sila pinaslang at pinaghihiwa-hiwa po ang kanyang ari, meron pong survivors dyan na ka-convoy nila, nakakotse hindi nila nakuha,” ani Mangudadatu.
At dahil may komunikasyon sa mga biktima ang kanilang mga kaanak, marami sa kanila ang nagtaka nang hindi na sila sumasagot sa tawag o sa text.
Isa sa mga biktima ay si Noel Decena na nakapagtext pa sa kanyang kapatid nang sila ay nahaharap na sa panganib.
Dakong hapon ng 23 ng Nobyembre nang maging malinaw ang mga pangyayari.
Pinatay sa karumal-dumal na paraan ang 58 katao.
Tiniyak ng mga salarin na walang mabubuhay at makakapagkwento kung ano ang nangyari sa kanila.
Sa pamamagitan ng backhoe, ibinaon sa isang malaking hukay ang mga biktima kasama ang kanilang mga sasakyan upang hindi na sila matagpuan pa.
Ang mga lalake, halos butas ang ulo at tadtad ng bala; ang mga babae ay sa maselang bahagi pa ng kanilang katawan niratrat ng bala.
Brutal talaga, wala ng tenga, wala ng mata kadaming tama eh, walo pero yung sagad yung sa ulo na, wala kalat na ang butas kung makita mo, kung silipin mo siya makita mo yung kabilang tao dun eh. Maliban sa pinagbubuksan yung mga zipper ng mga pantalon nila niratrat yung mga ari ng mga babae dun, anong klaseng tao ba ito? Hindi magkasya ilagay sa utak, talagang it’s beyond imagination. Meron palang tao na sobra pa sa hayop, mga babae walang kalaban-laban,”
Noong araw ding mangyari ang Maguindanao massacre, sigurado na si Mangudadatu na ang mga Ampatuan ang nagpamasaker sa grupo ng kanyang asawang si Jennylyn.
Kumbaga sa tubig ay malinaw na malinaw na may kagagawan po nito ay walang iba kundi ang isang pamilya na tinukoy ng aking misis, kinumpirma ng aking misis na si Andal Ampatuan ang may kagagawan at isa lamang po iyon sa aking ebidensya, my mute witness,” ani Mangudadatu.
Sa unang taon ng masaker, 57 lamang ang opisyal na kinilalang bilang ng mga nasawi.
Hindi agad isinama sa bilang ang photojournalist na si Reynaldo Momay dahil hindi narecover ang kanilang labi.
Sa ilalim ng batas ng Pilipinas, kikilalanin lamang na patay na ang isang taong hindi natagpuan ang labi pagkalipas pa ng apat na taon.
‘Di namin narekober yung katawan, hanggang ngayon kino-consider ko pa din yung massacre site as the graveyard of my family,” ani Castillo.
Photographer ng Midland Review sa Sultan Kudarat si Reynaldo Momay na kilala rin sa tawag na ‘Bebot’.
Ayon sa kanyang kaisa-isang anak na si Maria Reynafe Momay Castillo, halos araw-araw nilang sinusuyod noon ang massacre site para matagpuan ang labi ng kanyang ama.
Kinilala lamang ng korte si Momay bilang ika-58 biktima ng Maguindanao massacre nang matagpuan ang kanyang pustiso, I.D. at listahan ng mga media men na kasama sa convoy ng mga Mangudadato na nakita sa labi ng isa pang mamamahayag na si Andy Teodoro.
Saka ‘yung may ID siya na hindi na namin na-retrieve after nung pinakita atsaka yung attendance nung media na nakuha dun sa katawan ni Andy Teodoro, na nakuha ng SOCO sa katawan ni Andy Teodoro, na itinago ni Andy Teodoro, na may mga pirma ng mga media na sumama,” ani Castillo.
Trial of the century kung ituring –mahigit sa 100 ang suspek sa kaso kaya halos mawalan ng pag-asa na mapapabilis guidelines kung paano magiging mabilis ang paglilitis kasama dito ang desisyon na unahin nang litisin ang mga suspek na naaresto na at naprisentahan na ng ebidensya.
Sampung buwang gulang pa lamang ang bunsong anak ni Maguindanao Governor Toto Mangudadato at Jennelyn nang mangyari ang Maguindanao massacre.
Kaya naman hindi na nakilala ng kanilang bunsong anak ang inang si Jennelyn na kasama sa 58 pinatay sa Maguindanao massacre.
Ang pito pa nilang anak ay kinailangang isailalim sa therapy dahil sa nangyari sa kanilang ina.
Alam niyo hindi niya kilala, kasi 10 months old siya nung mamatay yung nanay at yung lagi niyang sinasabi na nasa langit na din, nasa heaven na din ang kanilang ina,” ani Mangudadatu.
Ang dating tahimik na pamumuhay ng pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre ay napalitan ng takot dahil malalaking tao ang kanilang binangga matapos na manindigang ituloy ang pagsasampa ng kaso.
Ilang taon ring nagpalipat-lipat ng tirahan ang pamilya ni Karen Araneta dahil sa takot matapos na mapatay sa Maguindanao massacre ang asawang si Henry ng DZRH Mindanao.
Kasi nag-iisa ka na lang sa buhay at kasama yung isang anak, kasi yung pamilya ko din nasa malayo din sila eh naka-stay ako sa somewhere na malayo din sa kanila kaya medyo mahirap,” ani Araneta.
Kabi-kabila rin ang mga panloloko at panliligaw sa mga naiwang pamilya na iurong ang kaso kapalit ng pera.
Ayon kay Olivert Cabletas, may mga insidente na hindi na muling nagpapakita sa pamilya ng biktima ang mga nag-aalok ng pera matapos na makuha ang mga dokumento hinggil sa kaso.
Minsan kasi lumalapit, minsan kasi medyo ano na parang fixer lang, parang nanloloko lang na kumukuha ng ganito, ganyan. Yung kasamahan ko may nangyari na ganyan, lumapit tapos kinuha yung mga dokumento na ‘okay bayaran na’ so, sabi ko ingat kayo kasi hindi yan,” ani Cabletas.
Ayon kay Maria Reyna Fe Momay Castillo, anak ng photojournalist na pinatay, kahit nakakulong na ang mga Ampatuan ay patuloy na gumagana ang kanilang pera para iharass ang mga testigo o alukin ng pera para bawiin ang kanilang testimonya.
Maliban pa ito sa panggigipit sa mga pamilya para iurong ang kaso.
Meron talaga akong nakausap na dalawang pamilya, I think just after a year or two na talagang pumunta na sila ng Cotabato City para makipag-usap so, I think the offer was a million pero pagdating nila ng Cotabato nagkatawaran hanggang umabot na lang ng 100,000. So, talagang yung dalawang pamilya na yun pumunta ng Cotabato para makipag-usap, yung offers is nandun talaga yun hindi yun mawawala kasi marami sila pera, so far naagapan,” ani Castillo.
Sinasabing hanggang P50-milyon ang alok na settlement sa pamilya ng mga massacre victims.
Isa pang kundisyon umano ay ang paglagda sa isang dokumento para idiin sa massacre si Toto Mangudadatu.
May pipirmahan kami na yun ang kapalit na si Gov. Toto ang ididiin namin,” ani Castillo.
Habang umuusad ang pagdinig sa kaso, tuloy ang buhay para sa mga naiwang pamilya.
Ayon kay Marygrace Morales, kahit mahirap , kailangan nyang manindigan para sa tatlo nyang anak at mga pamangkin.
Kasama sa mga napatay ang asawa ni Marygrace na si Russel ng News Focus at kapatid na si Maricel na anchor naman ng DXDX Radio.
Mahirap kasi kung minsan kasi kapag may mga problema lumalapit din ako sa kapatid kong babae na namatay, dalawa silang nawala, wala na talaga akong masasandalan kaya malaki ang nabago saka yun yung pang-araw-araw na pangangailangan na parati sila yung pumupuno eh ngayon nakaatang na sa balikat ko,” ani Morales.
Kahit dahan-dahan nakabangon na rin ang tatlong anak ni Marygrace mula sa malagim na dinanas ng kanilang ama lalo na ang panganay na matagal bago nakapagsalita matapos ang Maguindanao massacre.
Yung mga bata kasi nahihirapan akong kausapin at kahit ako sa sarili ko hindi ko pa din maintindihan o ma-explain sa kanila yung nangyari. Yung mga anak ko, lalo na yung panganay nung time na yun ay hindi na talaga nagsasalita parang naging tahimik na siya tapos parati kong nakikitang umiiyak sa sulok so, dinahan-dahan ko sila kasi nakikita naman nila yung nangyari, nae-explain kahit papaano ng mga kapamilya ko, dahan-dahan silang nakapag-move on dun,” ani Morales.
Dahil sa Maguindanao massacre marami sa mga naiwang pamilya ang naging malapit sa isa’t isat.
Maliban sa balitaan sa nangyayari sa kaso, taon-taon nagkikita sa massacre site para gunitain ang anibersaryo ng karumal-dumal na krimen.
Maaliwalas na ang massacre site, may mga investments na sa lugar, matataas na ang mga puno na itinanim matapos ang masaker.
Ang tanging makakapagpa-alala na lamang na 58 katao ang pinatay at inilibing sa lugar ay ang malaking marker kung saan nakaukit ang pangalan ng mga biktima.
Kinikilala ang kapangyarihan ng mga Ampatuan sa Mindanao.
Sa katunayan, ang bayang kanilang pinagmulan ay isinunod sa kanilang pangalan –ang bayan ng Ampatuan, Maguindanao.
Hindi lamang sila itinuturing na makapangyarihan kundi isa sa pinakamayaman sa lalawigan na kasama sa 10 pinakamahirap na probinsya sa bansa.
Kaya naman nang may magtangkang agawan sila ng trono bilang gobernador ng Maguindanao –58 buhay ang nabuwis.
Sa dami ng mga suspek sa Maguindanao massacre case, sa simula pa lamang ay malaking laban na ang kinakaharap ng mga nagsampa ng kaso.
Ayon kay Atty. Harry Roque, private prosecutor sa kaso, hindi handa ang criminal justice system ng Pilipinas sa ganito karaming akusado sa iisang kaso.
Ngayon pa lamang anya nangyari sa kasaysayan ng Pilipinas na mahigit sa 100 ang nasasakdal.
Dito sa Maguindanao Massacre tingin ko po isa rin sa dahilan ay dahil hindi po talaga sinulat ng ating rules of court para litisin ang ganitong karaming biktima at ganoong karaming nasasakdal so, ito ang kauna-unahang kaso na ganito ang anyo pero bagamat talagang mahirap kinakailangan talaga maparusahan natin ang mga nasasakdal dahil nakatingin sa atin ang buong daigdig at kung hindi mapaparusahan ang pumapatay sa mga mamahayag ay patuloy po talaga ang pagpaslang ng mga mamayan sa lipunan at kasama na din po dyan ang pagpaslang at pagbalewala dun sa malayang pamamahayag,” ani Atty. Roque.
Ayon kay Atty. Nena Santos, isa sa mga public prosecutors, sa simula pa lamang ay nahirapan na sila sa kaso dahil maimpluwensya ang nasasakdal.
Wala rin anya silang nakuhang kooperasyon mula sa mga ahensya ng pamahalaan sa panahon ng administrasyon ni dating pangulong Gloria Arroyo.
For 10 months walang hinuli ang PNP Maguindanao kung hindi pa napalitan yung administration, hindi napalitan si Leneses wala pang nahuli, it took us 10 months to get the balistics reports on the case D na nawala daw yung breach block or yung whatever na pwede palang hiraman yun ng other parts on the same gun para ma-test fire. All our institutions of law enforcement have been so politicize that in the end the question is how many men out there will back the system,” ani Atty. Santos.
Ayon kay Atty. Prima Jesusa Quinsayas, walang piskal na gustong humawak ng kaso, walang NBI na tumutugon sa imbestigasyon at walang Department of Justice (DOJ) na kaayuda ang mga biktima.
We wanted search warrants diba for the firearms, none of the judges would want to issue, for various reasons; one, head did not come home from Hajj, one is on sick leave. You know it reached the point where this is absurb, why is there no judge willing to issue search warrant?” ani Atty. Quinsayas.
Sa kabila ng pag-usad na ng kaso matapos magpalit ang administrasyon, marami pa ring hadlang ang sinuong ng prosecution at pamilya ng mga biktima.
Kaya naman sa tuwing sumasapit ang anibersaryo ng maguindanao massacre, nagbibigay ng katiyakan ang noo’y pangulong Noynoy Aquino na matatamo rin ng pamilya ng mga bikima ang hustisya para sa mga nawalang mahal sa buhay.
In cases of media killings for example, we, in government are demanding apprehensions of suspects and the filing of charges that stick resulting in justice for all involved. In other cases of violence involving media, we have take home affirmative and just actions. As the saying goes, justice delayed is justice denied so, our courts must work efficiently. We must have courts that are impartial and fair in the verdicts they hand down, if the courts demonstrate impunity on the top then the lowest region of trials courts will follow soon,” ani Aquino.
Nagsimula naman ang gulo sa hanay ng pribado at pampublikong abogado nang magpasya ang noo’y Justice Undersecretary Francisco Baraan, head ng prosecution team, na itigil na ang presentasyon ng mga ebidensya para sa 28 suspek na nadakip na noong panahong ‘yon.
Tiwala naman si Atty. Harry Roque, private prosecutor, na mabilis ang pag-usad ng kaso dahil sa panukala nyang bistahan na ang mga naaresto na at naprisintahan na ng ebidensya.
Well, syempre kung mapapabilis bakit hindi no, pero yun na nga eh kaya lang nakukumbento dahil pinagbigyan yung ating suhestyon at alam niyo modesty aside kung hindi naman in-implement itong ating suhestiyon na first in, first out ay wala talaga tayong maasahan na kahit anong katapusan sa kasong ito,” ani Attyu. Roque.
Naging ugat ng away sa pagitan ng private at public prosecution ang pasyang tapusin ang presentasyon ng mga ebidensya sa 28 akusado.
Ibinunyag ni Atty. Nena Santos, isa sa mga private prosecutors ang di umano’y P300-milyong suhulan sa ilang private at public prosecutors.
Tutol si Santos sa pasya ni Usec. Paraan na tapusin ang presentasyon ng mga ebidensya dahil mawawalan na sila ng pagkakataong maglatag ng ebidensya sakaling may lumutang pa sa hinaharap.
Ma-cover pa ba yun sa 28, hindi na, hindi na madadagdag yun nag-rest ka na nga eh, magre-rest ka hindi mo pa nga alam ebidensya ng kanila, ni rebuttal evidence avail hindi pa nga na-present, anong basis mo para mag-rest ka, eh bakit minamadali iba yung speedy justice iba yung in haste, sinasabi namin hilaw pa,” ani Atty. Santos.
Ayon kay Atty. Harry Roque, ang hidwaan ng mga pribado at public prosecutors ay patunay na gumagalaw ang pera ng mga Ampatuan para guluhin ang kaso.
Sa kabila ng malaking pagbabago sa kanyang buhay, mula pagiging vice mayor tungo sa pagiging gobernador ng Maguindanao, hindi kinakaligtaan ni Toto Mangudadatu ang pagtutok sa kaso.
Umaasa sya na ang magiging katapusan ng kaso ay makapagpapabalik sa kanilang tiwala na mayroong hustisya sa bansa.
Bagamat nagkakagulo ang kanilang mga abogado, sinabi ni Mangudadatu na naresolba rin naman ang problema sa huli.
Ang Maguindanao massacre ang pinakamalaking ebidensya ng walang pakundangang pagpatay sa mga miyembro ng media.
Tatlumpu’t dalawang mamamahayag ang kasama sa Maguindanao massacre.
Patay ang balita kung patay na ang nagbabalita.
Hindi simpleng karahasan ang nangyari sa Maguindanao massacre.
Hindi ito katulad ng ibang karumal-dumal na krimen na nagagawa ng mga taong lulong sa ipinagbabawal na gamot.
Ang mga akusado ay matataas na opisyal ng pamahalaan, mga ibinoto ng taongbayan, mga opisyal ng pulisya at ng bayan.
Maraming dahilan kaya’t nangyari ang Maguindanao massacre kabilang dito ang political dynasty, warlordism at ang kulturang walang napaparusahan gaano man kabigat ang kasalanan.
Ang mga ganitong walang saysay na pagpatay na di umano’y kagagawan ng mga taong pinagkakatiwalian at ibinoto ng taongbayan ay hindi dapat kinakalimutan.