Hindi idinesenyo ang Magat Dam para sa flood control.
Ito ang iginiit ni National Irrigation Administration (NIA) Administrator Ricardo Visaya matapos na isisi sa pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam ang malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Sa ikinasang pagdinig ng Kamara, binigyang diin ni Visaya na wala naman kasing floodwater storage ang Magat Dam, maliban na lamang aniya kung mababa sa full supply ang antas ng tubig sa Magat Dam na papalo lamang sa 193 meters.
Una kasi rito, sinabi ni Marikina Representative Stella Quimbo na bukod sa irrigation at power generation ay mayroon ding flood control system ang mga dam
Kaugnay nito iginiit din naman ni Visaya na hindi rin dapat isisi sa Magat Dam ang malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela, dahil hindi aniya “major cause” o dahilan ng malawakang pagbaha ang ginawang pagpapakawala ng tubig ng nasabing dam.