Posibleng umabot pa hanggang Mayo 30 ang ipinatutupad na lockdown sa Ormoc City sa lalawigan ng Leyte.
Ayon kay Ormoc City Mayor Richard Gomez, ito ay dahil hindi pa bumababa ang naitatalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Metro Manila at Cebu.
Aniya, hindi kasi sila maaring maging kampante hanggat hindi pa humuhupa ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at Cebu lalo na’t marami aniyang nanggagaling sa mga naturang lugar na pumupunta sa kanilang lungsod.
Kaugnay nito, ipinagmalaki naman ni Gomez na namahagi ang lokal na pamahalaan ng Ormoc City ng tig-iisang kaban ng bigas sa bawat tahanan sa ormoc upang matugunan ang pangangailangan ng mga residente habang pinaiiral ang lockdown.
Sa ngayon, nasa 159 na ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa lungsod, kung saan nasa 139 na ang nakarekober habang nasa 9 ang bilang ng mga nasawi.