Napapanahon na ang pagtuklas ng otoridad sa mga naglipanang mga ilegal na droga sa Pilipinas lalo’t marami-rami na rin ang nalululon dito.
Kamakailan lamang ay nasabat ng National Bureau of Investigation Anti-Drugs Unit ang pagawaan ng bagong ilegal na droga, na ang tawag ay “Liquid Ecstacy” o gamma-HydroxyButyrate (GHB).
Natunton ng NBI ang pagawaan ng droga nang may nakapag-nguso sa mga sangkot dito sa magkakahiwalay na condominium units sa Mandaluyong City at sa Malate, Maynila.
At ang pagkakatuklas nito ay dahil sa tulong na rin ng mga naging biktima ng GHB.
Batay sa imbestigasyon ng NBI, mga damohong banyaga pala ang nagpapatakbo ng naturang illegal drug laboratory, tatlong Amerikano, isang Nigerian at dalawang Pilipinong mga alalay.
Dito tayo dapat mangamba, dahil ganun na lamang kadali para sa isang banyaga na gumawa ng kalokohan sa bansa, at hindi lang basta-basta o small-time drug syndicate kundi isang malakihang drug trade na tiyak na marami itong bibiktimahing mga kabataan partikular mga kababaihan.
Mantakin mo, nag-level up na ang droga ngayon dahil bukod sa liquid o sa pamamagitan lamang ng mala-tubig na droga, ay puwede nang makagawa ng kahalayan ang isang suspek.
Sinasabi kasi ng NBI, na sa simpleng patak lamang nitong droga ay maari nang mawalan ng malay at ganado umano sa sex ang isang makakalagok nitong inuming hinaluan ng GHB.
Kaya’t siguradong maraming mga kabataan ang mabibiktima rito.
Ang nakakapanglabot ay hindi raw mamamalayan ng isang biktima kung ano ang nangyaring panghahalay sa kanya, ibig sabihin magkakaroon ng “amnesia” ang biktima.
Ito ngayon ang kinakatakutan ng mga magulang, dahil sa panahon ngayon, dahil malayang pinapayagan ng mga magulang ang mga anak na dumalo sa mga party lalong’lalo na sa mga Bar.
Kaya’t habang maaga pa at upang hindi maging biktima ang inyong mga anak, ay dapat pabaunin sila ng sangkaterbang pag-iingat, unless sila ay matagal nang lulon dito.
Kailangan ding paigtingin pa ng otoridad ang pagroronda sa mga bar upang hindi lumaganap ang bentahan nitong drogang ito.
At sa mga ahensiyang inatasan na manguna sa pagpuksa sa ilegal na droga, tulad nitong Philippine drug Enforcement Agency (PDEA) aba’y kumilos kayo at huwag tutulog-tulog sa inyong mandato. (By: ALEX SANTOS)