Hinamon ni Capiz 2nd District Rep. Fredenil Castro si Senator Panfilo Lacson na pangalanan ang source nito sa kanyang alegasyon na may ipapasok na Pork barrel fund ang Kamara sa 2020 proposed national budget.
Ito ay kaugnay ng isiniwalat ni Lacson na para sa mga Deputy speakers ang hirit na karagdagang P1.5-B na budget ng mababang kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Castro, blanko sila ng mga kapwa niya mambabatas kung saan nang-gagaling ang mga akusasyon ni Lacson, kaya’t dapat makipag-tulungan sa kanila ang senador upang lumitaw na ang katotohanan.
Aniya, bukod kasi sa parliamentary courtesy ay constitutional duty rin ni Lacson na alamin kung tama ba ang kanyang nakalap na impormasyon bago niya ito ilabas sa media.
Paliwanag pa ni Castro, nasisira kasi ang reputasyon ng kamara dahil lamang sa mga impormasyon na inilalabas ng senador.
Giit pa ni Castro, bagamat karapatan ni Lacson na suriin ang panukalang pambansang pondo, ay tungkulin din nitong suriin kung totoo ba ang mga impormasyon na nakararating sa kanya.
Una rito, tinawag namang “fake news” ni House Speaker Alan Cayetano ang naturang mga akusasyon dahil ang hirit na dagdag na budget ng kamara ay para sa pagpapalakas ng Congressional policy at Budget Research department.