Handa si Senate President Vicente Sotto III na i-dulog kay Executive Secretary Salvador Medialdea ang umano’y kuwestiyunableng budget items sa ilalim ng panukalang pondo para sa susunod na taon.
Ito ay kaugnay ng naging pahayag ni Senator Panfilo Lacson na bumoto siya ng ‘no’ sa bicameral conference committee report ng 2020 national budget na niratipikahan ng Senado noong nakaraang linggo dahil sa mga iligal na isiningit sa ilalim nito.
Ayon kay Sotto, dapat na magsumite si Lacson ng ulat hinggil sa mga kuwestiyunableng budget items upang matalakay ito ng Senado kay Medialdea.
Kaugnay nito, inamin din ni Sotto na hindi pa niya nilalagdaan ang bicam report dahil nais muna niyang mabusisi ang report at akuysasyon ni Lacson.
Aniya, mahalaga na mapag-aaralan ito ng mabuti lalo na’t pondo ng bayan ang nakataya sa oras na palampasin nila ang nasabing isyu.
Kasabay nito, nanindigan naman si finance committee chairman Senator Sonny Angara na ini-rerespeto nila ang opinyon ni Lacson, dahil naging mas maingat aniya sila sa pagbusisi sa pondo dahil sa mga ibinubunyag ng Senador.