Iginiit ni Senator Aquilino ‘Koko’ Pimentel na tama at hindi maaaring kuwestyunin ang naging desisyon ng Department Of Justice (DOJ), hinggil sa pagbasura nito sa criminal complaint na isinampa laban sa kanya dahil sa kakulangan ng probable cause.
Magugunitang, nagsampa ng reklamo si Atty. Rico Quicho laban sa Senador matapos ang umano’y paglabag nito sa quarantine protocol noong Marso nang samahan nito ang kanyang asawang manganganak sa Makati Medical Center na kaparehong araw kung saan nakumpirmang nagpositibo naman siya sa COVID-19.
Ayon kay Pimentel, hindi maituturing na isang criminal act ang paglabag sa non-penal DOH issuances lalo na’t hindi isang eksperto ang taong nagrereklamo laban sa kanya sa naturang paksa.
Una nang humingi ng tawad ang Senador hinggil sa naturang insidente at sinabing hindi nito intensyon na lumabag sa quarantine protocol.