Sasagutin ng gobyerno ang gastusin sa burol at pagpapalibing sa isang pamilyang namatay matapos makuryente sa Malasiqui, Pangasinan sa kasagsagan ng pananalasa ng Habagat.
Sinabi ni Presidential communications Secretary Martin Andanar na sasaluhin na ng lokal na pamahalaan ang pagpapalibing at magpapadala rin ito ng food packs habang nakaburol ang mga ito.
Bukod dito, sinabi ni Andanar na pinakilos na rin ang DSWD na puntahan ang burol ng mga nasawing pamilya para i-assess ang kailangang dagdag na ayuda.
Noong nakalipas na araw, natagpuang wala ng buhay ang limang miyembro ng pamilya Colarco sa loob ng kanilang bahay sa barangay Bacundao East, Malasiqui, Pangasinan.
Pinaniniwalaang nakuryente ang mga ito dahil sa nakitang hawak na alambre ng ina na ang dulo ay nasabit umano sa isang nakausling saksakan.
By: Meann Tanbio / (Reporter No. 23 ) Aileen Taliping