Ikinadismaya ng isang opisyal ng simbahan ng Quiapo ang mga paglabag ng ilang deboto sa mga alituntuning ipinatupad sa nagdaang Traslacion.
Ayon kay Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Quiapo Church, mistula kasing walang paki-alam ang ilang deboto sa kung anuman ang kanilang masisira o mape-perwisyo, makalapit lamang sa Poong Itim na Nazareno.
Aniya, bukod sa tambak na basurang iniwan, may napaulat din na pinataob ng ilang deboto ang ilang mga portalet para lamang makadaan o makalapit sa andas.
Sinabi ni Badong na labis niyang ikinalulungkot ang naging asal na ito ng mga deboto, dahil tila nakalimutan na ng mga ito ang tamang asal sa ngalan aniya ng sinasabi nilang debosyon.
Binigyang diin pa ni Badong na hindi ugali ng totoong deboto ang makaperwisyo, at makapanakit ng ibang tao at umaasa siya na magbabago pa ang ito.